Tutulak na bukas sa Lanao del Norte at North Cotabato ang monitoring team ng Commission on Elections (Comelec).
Bahagi ito ng paghahanda ng komisyon para sa ikalawang plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ayon kay Director James Jimenez, Spokesman ng Comelec, umaasa silang magiging mapayapa sa pangkalahatan ang plebisito sa kabila ng nangyaring pambobomba sa Jolo, isang araw matapos ang plebisito doon.
Nakatakdang isagawa ang plebisito sa Lanao del Norte maliban sa Iligan City at ilang munisipalidad at barangay sa North Cotabato na nais isama sa masasakupan ng bagong Bangsamoro Autonomous Region.
Balasahan
Samantala, tuloy ang balasahan sa hanay ng mga opisyal ng Commission on Elections sa mga rehiyon at lalawigan.
Ayon kay Director James Jimenez, Spokesman ng Comelec, regular na isinasagawa ang balasahan sa tuwing sasapit ang eleksyon upang maiwasan ang anumang hinala na mayroong pinapaboran ang mga Comelec officials.
Posible aniyang bago mag-Abril ay maipatupad na ang balasahan.
—-