Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi na sakop ng kanilang mandato ang pagbabawal sa publiko na maligo sa Manila Bay.
Ito’y sa gitna ng isinasagawang rehabilitasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang na ang MMDA.
Gayunman, ayon kay MMDA Traffic Manager Bong Nebrija ay nagtalaga ang kanilang ahensya ng anti-littering unit personnels sa kahabaan ng Manila Bay na layong sitahin o hulihin ang mga bumibisitang nagkakalat sa paligid ng Manila Bay.
Dagdag pa ni Nebrija, maaari naman aniyang palawigin ng mga enforcers ang kanilang oeprasyon oras na maglabas ng ordinansa ang lokal na pamahalaan ng Maynila hinggil sa naturang usapin.
“Sa pagbabawal po na huwag maligo ay hindi po kasama sa mandato ng MMDA ‘yan, kung may ordinansa ang local government ng Manila ay puwedeng ipatupad ng enforcers nila ‘yan, ang ginawa namin ay nagtalaga tayo ng anti-littering unit personnel namin, nakakalat ‘yan sa kahabaan ng Manila Bay, nanghuhuli ‘yan ng mga bisita diyan na nagtatapon ng kalat, ultimo upos ng sigarilyo, balat ng candy, kapag nakita po kayo niyan eh huhulihin po kayo.” Pahayag ni Nebrija
(Balitang Todong Lakas Interview)