Umaasa ang Commission on Elections o Comelec na hihigit pa sa 75 percent ang voter turnout sa ikalawang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law o BOL na nakatakdang isagawa bukas, Pebrero 6.
Ayon kay Comelec Spokesperson Director James Jimenez, inasahan ng ahensiya na magiging matagumpay din ang ikalawang plebesito tulad ng nauna, sa kabila naman ng mga nangyaring karahasan sa Mindanao, kamakailan.
Aminado ni si Jimenez na pangunahing inaalala ng Comelec ang mga karahasang posibleng mangyari kasabay ng plebesito.
Gayunman, wala naman aniyang inaasahan ang mga otoridad na mga matinding kaguluhan sa mga lugar sa North Cotabato at Lanao del Norte na pagdarausan ng ikalawang plebesito para sa BOL.
Bukod dito, sinabi ni Jimenez na ang pagbobotohan na lamang aniya ay kung sasama ang ilang bahagi ng Lanao del Norte at North Cotabato sa bubuoing bagong Bangsamoro Autonomous Region.
Seguridad sa Midsayap, North Cotabato hinigpitan
Hinigpitan na ang seguridad sa Midsayap, North Cotabato simula ngayong araw, bisperas ng ikalawang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law o BOL.
Kasabay nito tiniyak ni North Cotabato Police Chief Senior Supt. Maximo Layugan na nakahanda ang pulisya at Armed Forces of the Philippines o AFP sa anumang posibleng mangyari kasabay ng isasagawang plebesito.
Ayon kay Layugan, hindi pa rin nila isinasantabing posibleng may mangyaring problema sa kasagsagsagan o kahit matapos na ang plebesito.
Samantala, ininspeksyun na rin ng mga guro ang mga balota at iba pang election paraphernalia na gagamitin para sa plebesito bukas, Pebrero 6.