Naging positibo ang pagtanggap ng Malakaniyang sa patuloy na pagbagal ng inflation sa bansa.
Ito’y matapos maitala ang 4.4 na inflation rate noong January 2019 kumpara sa 5.1 percent na naitala noong December 2018.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, isang magandang balita aniya ito dahil isa-isa nang natutupad at nailalatag ng pangulo ang pundasyon para mabigyan ng kumportableng pamumuhay ang bawat pilipino.
Gayunman, tiniyak ni Panelo na hindi magpapaka kampante ang administrasyon at patuloy na pagsusumikapan na mapaganda pa ang ekonomiya ng bansa at maramdaman ng publiko ang positibong epekto nito.
BSP ikinatuwa rin ang pagbagal ng inflation
Ikinatuwa ng BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas ang naitalang pagbagal ng inflation rate o ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo nitong Enero.
Ayon kay BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo, dapat gamitin ang panahon na ito upang pag-aralan ang mga umiiral na polisiya ukol sa pananalapi.
Paliwanag pa ni Guinigundo, oras na para suriin kung nararapat pang repasuhin ang monetary policy ng BSP.
Una rito, nakasaad sa datos ng Philippine Statistics Authority na umabot lamang sa 4.4 percent ang inflation rate noong Enero na mas mabagal kumpara sa 5.1 percent noong Disyembre 2018.
Contributor: Ashley Jose