Pinakakasuhan na ng Kamara ang dating Pangulong Noynoy Aquino at ilang dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan dahil sa kontrobersya sa Dengvaxia.
Batay ito sa committee report ng House Committee on Good Government and Public Accountability matapos ang isinagawang pagdinig sa nasabing usapin.
Bukod sa dating Pangulo, kabilang sa pinakakasuhan ng graft o paglabag sa Republic Act 3019 sina dating Budget Secretary Florencio Abad, dating Health Secretary Janette Garin, ilang doktor at miyembro ng Philippine Children’s Medical Center Bids and Awards Committee na sangkot sa procurement at implementasyon ng vaccination program.
Sinasabing nagsabwatan din ang mga opisyal para magkaroon ng shortcut sa proseso at paboran ang Sanofi Pasteur na manufacturer ng Dengvaxia.
Dagdag na kasong technical malversation ang ipinasasampa kina Aquino, Abad at Garin at maging kay Dr. Julius Lecciones dahil anila sa 2015 General Appropriations Act hindi kasama ang pondo para sa pagbili ng Dengvaxia at hindi rin ito kasama sa expanded immunization program ng DOH noong 2015.
Subalit inaprubahan pa rin ni Aquino ang request ni Garin para magamit ang savings ng DOH sa pagbili ng bakuna na aabot sa mahigit 3.5 billion pesos.
Pinasasampahan din ng grave misconduct ang mga nabanggit na opisyal kahit pa ang ilan sa kanila ay wala na sa gobyerno.
Inatasan din ng joint committee ang PCMC na maghain ng civil action laban sa Zuellig, dating Pangulong Aquino, Abad, Garin at Lecciones upang mabawi ang ibinayad sa ipinambili ng Dengvaxia.
Bukod dito, nais din ng Kamara na pumasok ang Anti-Money Laundering Council para maimbestigahan ang transaksyon.
(may ulat mula kay Jill Resontoc)