Umabot na sa nakaka-alarmang bilang ang kaso ng tigdas sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, umabot sa dalawampu’t isang libo (21,000) ang naitala nilang kaso ng tigdas noong 2018 o apat na beses na mas mataas sa halos apat na libong (4,000) kaso lamang noong 2017.
Nababahala aniya sila ngayong taon dahil Enero pa lamang ay dinadagsa na ang mga ospital ng gobyerno ng mga batang may tigdas.
Sinabi ni Domingo na ang mas nakakabahala sa kanila ay dahil sa buong kapuluan nakakalat ang mga kaso ng tigdas.
Dahil dito, puspusan na aniya ang kanilang kampanya para sa pagpapabakuna ng mga bata mula limang buwang gulang hanggang limang taong gulang.
Una nang inirereklamo ng Department of Health (DOH) na tila nagkaroon ng takot sa pagpapabakuna ang mamamayan dahil sa isyu ng Dengvaxia.
—-