Ikinaalarma na rin maging ng WHO o World Health Organization ang idineklarang measles outbreak ng DOH o Department of Health sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Gundo Weiler, kinatawan ng WHO sa bansa, nuong isang taon pa nila binabantayan ang outbreak ng tigdas kung saan, aabot sa dalawampung libong mga pasyente na ang napaulat.
Gayunman, sinabi ni Dr. Weiler na hindi naman na sila nagulat na lumala ang kaso ng tigdas sa Pilipinas dahil sa kulang ang kumpiyansa ng mga pilipino na tanggapin ang vaccination program.
Batay sa tala ng WHO, aabot lamang sa pito mula sa sampung mga bata na may edad labing pito pababa ang nabakunahan kabilang na riyan ang bakuna kontra tigdas.
Sa panig naman ng DOH, ipinagmalaki ni Health Secretary Francisco Duque III na mas dumami na umano ang mga magulang na nagpupunta sa mga health centers para pabakunahan ang kanilang mga anak.
Sa panayam ng DWIZ kay Duque, sinabi nito na resulta ito ng ginagawa nilang pag-iikot sa mga komunidad upang ipaunawa ang kahalagahan ng bakuna kontra sa iba’t ibang karamdaman.
“Sa wakas yung kanilang takot doon sa mga dating isyu tungkol sa dengvaxia mukhang nawawala na. At ito naman takot sa measles ang ngayong namamayapgpag kaya sila naman ay nagpapabakuna ngayon, pero nakakalungkot lang may mamatay pa para lang maintindihan ang measles vaccine. So, kaya tuloy-tulou an gating pakikipag-ugnayan sa mga LGUs para paigtingin an gating immunization.” Pahayag ni Sec. Duque