Duda ang political analyst na si Professor Ramon Casiple kung magagamit pa sa 2022 ang mga makinang gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) ngayong 2019 elections.
Ayon kay Casiple, ang mga makinang ito ay ginamit na noong 2016 at binili na ng Comelec sa Smartmatic.
Iginiit ni Casiple ang kanilang rekomendasyon noon sa Comelec na kumuha ng kumpanya sa Pilipinas na gagawa ng mga makina para sa eleksyon.
Gayunman, aminado si Casiple na mahihirapang makapasa ang lokal na kumpanya dahil may probisyon sa batas na kailangang may malawak na karanasan sa malaking eleksyon ang pipiliing kumpanya para mag-supply ng counting machines.
“Itong nangyari sa 2019 tahimik lang, inaprubahan ng En banc ang Smartmatic ulit, binili ‘yung makina, walang ka-hearing hearing ‘yan, hindi naman kami tinanong na mga NGO kaugnay sa eleksyon, bigla na lang nag-decide, ‘yan ang tanong actually kasi akala namin one time lang ‘yan para lang matingnan natin kung foreign paano ang technology kung kakayanin ba natin o hindi. May dalawa na tayong sets of machine, libu-libo, tuloy ‘yung first set hindi mo na magamit, itong second set pagdating ng 2022 may duda ako kung magagamit, malaking gulo ‘yan sa 2022 kasi presidential elections eh.” Pahayag ni Casiple
(Balitang Todong Lakas Interview)