Maglalagay na rin ng mga measles vaccination stations ang DOH – CALABARZON o Department of Health – CALABARZON sa mga simbahan at mga fast food restaurants.
Maliban pa ito sa pagbabaha-bahay ng mga government health workers para i-alok ang programa sa libreng bakuna sa mga health centers.
Ayon kay DOH Region 4-A Director Eduardo Janairo, layunin ng nasabing hakbang ang mapigilan ang pagkalat ng measles o tigdas lalu na sa CALABARZON.
Aniya, istratehikong lugar ang mga simbahan at mga fast food chains dahil madalas itong puntahan ng mga magulang at mga bata.
Dagdag ni Janairo, nagpadala rin sila ng sulat sa mga simbahan para pinaki-usapang basahin ang mga paalala ng DOH hinggil sa tigdas pagkatapos ng misa at sa iba pang aktibidad ng simbahan.
Sa pinakahuling tala ng DOH – CALABARZON, aabot na sa 972 ang kaso ng tigdas sa rehiyon kung saan 25 dito ang nasawi.
Suplay ng bakuna sa tigdas sapat — Duque
Tiniyak ng DOH o Department of Health na sapat ang suplay ng bakuna sa tigdas sa bansa.
Sa gitna na rin ito ng pagtaas sa mga naitatalang kaso ng tigdas gayundin ng dumarami nang bilang ng mga nagpapabakuna sa health center.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sa katunayan ay nakatakda pa silang bumili ng mga karagdagang suplay.
Sinabi ni Duque, kanya nang inatasan si Health Undersecretary Eric Domingo na simulan na ang proseso para sa pagbili ng mga karagdagang bakuna laban sa tigdas.
Patuloy din aniya ang kanilang pagmomonitor sa suplay ng ahensiya.