Aminado ang Department of Health (DOH) na kabilang sa mga apektado ng measles outbreak ang mga lugar kung saan isinagawa ang kontrobersyal na pagbabakuna ng dengvaxia.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, ang Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, NCR at Central Visayas ang mga may pinakamakataas ng kaso ng tigdas.
Ang mga naturang lugar aniya ay Dengvaxia-implementing regions at mayroon ding mababang immunization rates o kaunti ang mga nabigyan ng kahit anong bakuna tulad ng anti-measles vaccine.
Marami anyang magulang sa mga nabanggit na rehiyon ang natakot na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil sa epekto ng kontrobersya sa dengvaxia.
Sa ngayon ay nasa 4,300 na ang tinamaan ng tigdas kabilang ang 70 namatay simula Enero 1 sa buong bansa.
Mga sanggol na anim na buwang gulang pababa dapat i-isolate
Pinayuhan ni Health Secretary Fransisco Duque III ang publiko lalo ang mga magulang na i-isolate muna ang mga sanggol na anim na buwang gulang pababa lalo’t kung mayroong measles outbreak sa kanilang lugar.
Ayon kay Duque, peligroso pang bigyan ng anti-measles vaccine ang mga sanggol na anim na buwang gulang pababa dahil hindi pa fully developed ang immune system ng mga ito.
Mayroon naman anyang natural protection laban sa tigdas ang mga sanggol na nakuha nila sa kanilang mga nanay.
Magugunitang pinalawak na ng Department of Health ang kanilang vaccination campaign sa pamamagitan ng pagsama sa mga sanggol na anim na buwan hanggang siyam na buwan sa mga binabakuhan kontra tigdas.
—-