Wala umanong kaugnayan ang press freedom ng bansa sa pagkakadakip kay Rappler CEO Maria Ressa sa kasong cyber libel.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, simple lamang ang dahilan kung bakit ikinulong si Ressa at ito ay dahil lumabag siya sa batas.
Nakitaan umano ng korte ng probable cause ang kaso ni Ressa kaya ito inaresto.
Giit pa ni Panelo, walang pinipili ang justice system ng bansa at binibigyan din naman aniya ng Department of Justice ng pagkakataon si Ressa gaya ng ibang nasasakdal na ipagtanggol ang sarili.
Pinayuhan din ni Panelo si Ressa na tutukan na lamang ang kaniyang kaso sa halip na idawit pa ang freedom of expression sa bansa sa kaniyang kinakaharap na kaso.
Political harassment
Ikinalungkot naman ni Vice President Leni Robredo ang pagkakaaresto kay Rappler CEO Maria Ressa dahil sa kasong cyber libel.
Ayon kay Robredo, ito lamang ay nagpapakita ng isa na namang yugto kung gaano iniipit ang mga naglalakas-loob na makapagsalita laban sa mga polisiya ng administrasyong Duterte.
Bukod aniya sa media ay may ilan pang mga indibiduwal na nagsisiwalat din ng pagkontra sa kasalukuyang administrasyon at hindi rin aniya malayong maranasan ang tinatawag na political harassment.
Gayunman, umaasa ang Pangalawang Pangulo na pagkaaresto kay Ressa ay hindi magdagdag sa takot ng iba pang nais magpahayag ng kanilang saloobin.
—-