Bumuo na ng special investigation task group ang Eastern Police District pata tutukan ang imbestigasyon hinggil sa nangyaring pananambang sa isang negosyante at kanyang driver sa Mandaluyong City kahapon.
Ayon kay National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, sumailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng mga biktimang sina Jose Luis Yulo at kanyang driver na si Nomer Santos.
Habang, ngayong araw nakatakda aniyang kausapin ng mga imbestigador ang nakaligtas na kasamahan ng dalawang biktima na si Esmeralda Ignacio.
Dagdag ni Eleazar, makikipag-ugnayan din sila sa iba pang ahensiya tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para masilip ang kuha ng CCTV sa lugar.
Gayundin, sa PNP Clark kung saan dumalo sa isang racing event ang biktima sa nabanggit na lungsod.
“Ngayon po ay pag-aaralan natin ang mga available evidence on hand, like tapos na po ang autopsy so titingnan natin ang trajectory ng bullet, ‘yung mga fingerprints po na nakuha sa crime scene at lalo na sa sasakyan ng biktima. Nakipag-ugnayan na rin po tayo sa MMDA at iba pang ahensya para ma-check natin itong mga CCTV footage na maaaring mas makakuha tayo ng impormasyon leading to the identification of the suspects na napag-alaman nating initially na isang motor ang ginamit, riding in tandem, parehong naka-jacket na itim, ang driver ay naka-blue helmet ang angkas ay naka-black helmet.” Pahayag ni Eleazar
Ayon kay Mandaluyong City Police Chief, Senior Supt. Moises Villaceran, dakong alas-3:00 ng hapon nang pagbabarilin ang tatlo habang lulan ng Toyota Hi-Ace van na minamaneho ni Santos sa southbound lane ng EDSA-Reliance, kahapon.
Nilinaw naman ni Villaceran na si Yulo ay kapangalan lamang ng Pangulo ng Chamber of Commerce of the Philippine Islands na si Jose Luis Yulo Jr.
Inaalam na kung ano ang motibo sa krimen at sino ang posibleng nasa likod nito.
Drew Nacino / Ratsada Balita (Interview)