Apektado na rin ng measles outbreak ang ilang nakatatandang pasyente.
Sa San Lazaro Hospital sa Santa Cruz, Maynila, sumampa na sa 38 ang “adult patient” na tinamaan ng tigdas hanggang kahapon kumpara sa apat noong Pebrero 5.
Ayon kay San Lazaro Hospital Spokesman, Dr. Ferdinand De Guzman, hindi nagpabakuna noong kanilang kabataan ang mga matandang nagkasakit at ngayon lamang sila nagkasakit ng tigdas.
Ilan anya sa mga adult patient sa nabanggit na pagamutan ay nahawa sa kanilang mga anak kaya’t muling pinayuhan ni De Guzman ang publiko na mag-ingat lalo’t walang pinipiling edad ang measles.
Sa kasalukuyan ay lumobo na sa mahigit 9,200 ang measles cases sa buong bansa simula Enero batay sa datos ng Department of Health.
Mula sa naturang bilang, umakyat naman sa 146 ang namatay.