Pinasinungalingan ng DBM o Department of Budget and Management ang alegasyon ni Chairman of the House Committee on Appropriations at Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr. hinggil sa hindi pa nababayarang mga infrastracture projects ng gobyerno sa mga pribadong kompanya.
Ayon sa DBM, ang naturang alegasyon ni Andaya ay pinalala lamang upang siraan ang magagandang nagawa ng DBM at ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang inakusahan ni Andaya ng korupsyon ang DBM dahil sa lumolobo umanong utang ng gobyerno bunsod ng hindi nababayarang mga infrastracture project kaya’t napipilitan na lamang ang mga contractor ng DPWH o Department of Public Works and Highways na kumuha ng kanilang kickback para mabayaran.
Paglilinaw ng DBM, hindi anya ito posibleng mangyari dahil sa paunang cash requirement ng DPWH kung saan nagri-release na kaagad ng pondo ang DBM para mapunan ang mga kinakailangan at mga bayarin para sa mga proyekto.
Ang pondo rin anila para sa mga naturang proyekto ay inilahad sa gabinete at inaprubahan mismo ng pangulo.