Inihirit ni Labor Secretary Silvestre Bello sa Kongreso ang pagpapatupad ng mas mabigat na parusa sa mga kumpanyang kukuha ng mga illegal foreign worker.
Kabilang sa mga hiling ni Bello ay bigyang kapangyarihan ang Department of Labor and Employment na ipasara o ipatigil ang operasyon ng mga kumpanyang mapapatunayang nag-hire ng mga dayuhang walang sapat na working document.
Ayon sa kalihim, pagpapataw lamang ng multang 10,000 pesos kada illegal foreign employee ang ginagawa ng DOLE.
Dapat aniyang kumuha muna ng Alien Employment Permit o AEP mula sa kagawaran ang mga dayuhang nais magtrabaho sa Pilipinas.
Gayunman, ibibigay lamang ang AEP sa mga dayuhang may kakayahang gawin ang trabahong hindi kayang gampanan ng mga Pilipino upang hindi maagawan ng hanap-buhay ang mga Pinoy.
“Sinabi ko kay Senator Villanueva kahapon na bigyan ng konting ngipin ang DOLE para ma-discourage natin ang mga nagva-violate na nagtatrabahong walang permit galing sa DOLE, first offense siguro puwedeng fine pero hindi naman P10,000, dapat laki-lakihan siguro, ngayon aside from that mas mabisa kung mabibigyan tayo ng power to suspend or close the business.” Pahayag ni Bello
Ayon naman kay Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz Luis sapat na ang umiiral na batas laban sa mga iligal na dayuhang manggagawa sa bansa.
Aniya, ang dapat tututukan ng pamahalaan ay ang mahigpit na implementasyon ng kasalukuyang at pagpaparusa sa mga magpapabayang opisyal ng pamahalaan.
“Totoo ‘yun maraming dumarating dito pero tandaan natin na maraming investment na dumarating mula China kaya marami silang dinadala dito, dapat sa pag-iisyu ng visa, pag-iisyu ng working permit eh medyo atleast tutukan at ayusin nila dahil ‘yung batas ay hindi dapat magkaganyan.” Pahayag ni Ortiz Luis
—-