Ikinatuwa ni Gabriela Party-list Representative Emmi de Jesus ang ganap nang pagsasabatas ng expanded maternity leave bill.
Ayon kay De Jesus, matagal na nilang ipinaglalaban ang nasabing batas kung saan kanilang inihain ang unang panukala noon pang 2008.
Sinabi ni De Jesus, tunay na layunin ng expanded maternity law ay mabigyan ng pagkilala ang papel ng kababaihan sa lipunan.
Binigyang diin pa ng mambabatas, matagal nang nahuhuli sa international standards ang animnapung (60) araw na maternity leave para sa mga nanganak sa pamamagitan ng normal delivery at pitumpu’t walong (78) araw sa caesarean.
“Able bodied ka at ikaw ay may kagustuhan din na mag-anak, kagustuhan ng partner mo na mag-anak at ikaw ay nagtatrabaho dapat kilalanin na mabigyan ka ng sapat na pahinga at ‘yung batas kasi natin na 78 days for caesarean at 64 sa normal ay malayo sa international standard, actually ‘yung 105 days medyo conservative pa ‘yan kung ikukumpara of course doon sa higit na mayayamang bansa.” Ani De Jesus
Tiwala si De Jesus na hindi liliit ang tiyansa ng mga kababaihan na makahanap ng trabaho dahil sa expanded maternity leave law bagama’t hindi maikakailang may nananatili pa ring diskriminasyon sa mga kababaihan sa usapin ng paghahanap ng trabaho.
Gayunman, binigyang diin ni De Jesus na may mga trabaho pa rin na ang kinakailangan ay mga kababaihan.
“Marami naman talagang pagawaan tsaka employment na ang kailangan talaga ay kababaihan halimbawa sa ngayon sa public sector majority halos lahat ng nasa teaching profession ay kababaihan hindi mo puwedeng sabihin na ‘yan ay hindi iha-hire, o ‘yung sa mga factory marami sa kanila kailangan ay skill ng kababaihan kaya hindi rin totoo na parang lalong pakitirin nila ang opportunity for women.” Pahayag ni De Jesus
Dagdag pa ni De Jesus, marami na rin aniyang kumpanya sa bansa ang nagbibigay na rin ng mas mahabang maternity leave.
“Sa hearing na ginawa namin ngayong 17th Comngress may mga companies na beyond pa nga sa 105 ang ibinibigay pero doon sa provision ng batas hindi mababawasan kumbaga kung nag-e-exist na yung beyond 105 ibinibigay mo na tapos may batas na ganyan walang dimunitive ano hindi ito against doon sa prevailing na prebilehiyo na lagpas sa 105.” Dagdag ni De Jesus
(Balitang Todong Lakas Interview)