Walang ikakasang debate ang Comelec o Commission on Elections para sa mga kandidato sa pagka-senador sa 2019 midterm elections.
Ayon iyan kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, na nagsabing ipinauubaya na lamang nila sa iba’t-ibang pribadong organisasyon at grupo basta’t may sapat silang pondo para rito.
Kasalukuyang nagsasagawa ng kanilang senatorial debates ang dalawang malalaking media outfit sa bansa sa kanilang mga himpilan ng radyo at telebisyon.
Sa kaniyang panig naman, sinabi ni Comelec Spokesman Dir. James Jimenez na nakatuon ang kanilang pansin sa pagbabaklas ng mga ipinagbabawal na campaign posters.
Sa katunayan, bumuo na sila ng ‘Task Force Baklas’ para rito katuwang ang pambansang pulisya gayundin ang MMDA o Metro Manila Development Authority.
Kasalukuyang nagsasagawa rin ng voter’s education campaign ang Comelec sa pamamagitan ng kanilang programang “Radyo Comelec” na napakikinggan dito sa DWIZ tuwing Sabado, ala-una hanggang alas dos ng hapon.
“Iyan po ay on February 28 magsisimula tayo ng 10:30 a.m. dito sa EDSA. Susuyurin natin ang major thorough affairs ng Metro Manila at i-dodocument natin yung mga billboards na nandiyan pa. Marami po doon sa billboards the past few days naging ugat ng sobrang galit ng mga netizens. Ang alam ko madami diyan tanggal na. Pero, kung meron pa rin natitira at makikita natin on the 28th babaklasin natin ‘yan kasama ang teams from DPWH, MMDA and of course Comelec NCR sasama sila sa atin…kasama ang election officers.” Pahayag ni Jimenez.