Kasado na ang mahigpit na seguridad na ipatutupad ng mga pulis sa selebresyon ng ika-tatlumpu’t tatlong anibersaryo ng EDSA People Power revolution.
Ayon kay National Capital Region Police Office o NCRPO Director Guillermo Eleazar may sapat na bilang ang ipinakalat ng Quezon City Police District para tiyakin ang seguridad ng mga makikiisa sa aktibidad sa People Power monument.
Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang grupo para sa mga ikinakasang pagkilos.
Samantala, hinikayat naman ng Eastern Police District (EPD) ang publiko na i-report agad sa mga awtoridad ang anumang magaganap na untoward incident sa numerong 641-0877 o 0917-728-3790 o kaya ay mangyaring magpadala lamang ng mensahe sa kanilang Facebook account na EPD ang Pamamarisan at Twitter account na @epdpio.
EDSA People Power celebration
Nagsama-sama ang ilang kabataan, madre at iba pang miyembro ng Simbahang Katoliko para gunitain ang anibersaryo ng EDSA People Power revolution.
Sa La Salle Greenhills, nagtipon ang mga grupo upang ipahayag ang kanilang hinaing na may temang hustisya at kapayapaan.
Nagsama-sama rin ang mga kaanak ng biktima ng martial law sa Bantayog ng mga Bayani sa lungsod ng Quezon.
Kabilang sa mga nakiisa sa pagtitipon sina dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno at dating Senador Rene Saguisag.
—-