Inirekomenda ng grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP na taasan ang sahod at bigyan ng mas magandang benepisyo ang mga manggagawa sa industriya ng konstruksyon sa bansa.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, ito ay para maengganyo ang mga construction worker na magtrabaho na lamang dito sa Pilipinas sa halip na mangibang bansa pa.
Dagdag pa ni Tanjusay, dapat din bigyan ng magandang pasilidad ang mga construction worker gaya ng maayos at malinis na barracks o tirahan sa mga gusaling pansamantalang tinutuluyan ng mga ito.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kakulangan ng mga manggagawa sa construction industry dahilan para maantala ang ilang proyekto sa ilalim ng Build Build Build program ng kasalukuyang administrasyon.
Kinumpirma naman ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan dalawang daang libong (200,000) manggagawa umano sa construction ang kailangan pang mapunan.
—-