Ipinagbabawal pa rin ng Department of Tourism (DOT) ang paglangoy sa Manila Bay.
Ito, ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ay kahit pa bahagyang bumaba ang fecal coliform level matapos ipasara ang Manila Zoo bunsod ng clean-up operation sa Look ng Maynila.
Hangga’t hindi aniya nawawala ang polusyon ay mahigpit pa ring ipagbabawal ang pagligo o paglangoy.
Sa kabila nito, aminado ang kalihim na ikinalulugod nila sa kagawaran na unti-unti nang nanunumbalik ang pagiging tourist destination ng Manila Bay.
Cease and Desist Order
Binawi ng Laguna Lake Development Authority o LLDA ang apat na cease and desist orders na ipinataw sa mga establisyimentong nakitaan ng paglabag sa environmental laws sa paligid ng Manila Bay.
Kinumpirma ng LLDA na pansamantala nilang binawi ang naturang kautusan sa Gloria Maris Restaurant, Jolibee Food Corporation-Macapagal Biopolis Branch sa Pasay, Smart Land Resources at Aristocrat Restaurant.
Ito’y makaraang magsumite ang mga naturang establisyimento ng kanilang mga solusyon upang maiwasan ang pagtatapon ng waste water sa Manila Bay.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na maaari pa ring bigyan ng cease and desist order ang apat sa sandaling makitaan ng panibagong paglabag.
Samantala, aminado naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi sila inabisuhan ng LLDA sa temporary lifting order.
—-