Walang naitatalang insidente ng pangingidnap ng mga bata sa Metro Manila ang PNP-NCRPO.
Nilinaw ito ni PNP-NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar sa harap ng mga balita na mayroong mga nang-aagaw ng bata.
Ayon kay Eleazar, naglabas siya ng paglilinaw dahil ayaw nyang lumikha ng panic ang mga balita.
Sa kabila nito, pinayuhan ni Eleazar ang mga magulang na pag-ingatan ang kanilang mga anak at kung maaari ay ireport at huwag ilihim sa pulisya kapag may nangyaring pangingidnap.
Una rito, isang babae ang dinakip sa Sampaloc, Maynila dahil sa di umanong tangkang pagdukot sa dalawang batang lalake samantalang isang suspek pa ang naaresto sa Quezon City dahil rin sa tangkang pangingidnap ng bata.
Pangamba ng publiko hinggil sa insidente ng kidnapping pinawi
Pinawi ng NCRPO o National Capital Region Police Office ang pangamba ng publiko hinggil sa insidente ng pagdukot sa mga bata sa Metro Manila.
Ito ang naging reaksiyon ni NCRPO Chief Guillermo Eleazar matapos maaresto ang isang babae sa Parañaque City dahil sa attempted kidnapping.
Ayon kay Eleazar, walang natatanggap na reklamo ang pulisya hinggil sa mga nawawalang bata na hindi na natagpuan.
Paglilinaw pa ni Eleazar, wala rin aniyang malinaw na reklamo laban sa naarestong suspek na mag-uugnay na sangkot ito sa kidnapping.