Kinumpirma ng Palasyo na nagkita at nagkausap na si Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front Founding Chairman Nur Misuari matapos maluklok sa puwesto ang mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, labinlimang minutong nag-usap sina Pangulong Duterte at Misuari sa Malakanyang noong Lunes ng gabi.
Gayunman, hindi tinalakay sa pulong ang umano’y reklamo ng ilang MNLF member sa hindi patas na distribusyon ng mga pwesto sa Bangsamoro Transition Authority.
Kabilang lamang anya sa pinag-usapan ay ang pangangailangang magpalit ang sistema ng gobyerno patungo sa pederal.
Tiniyak naman ni Panelo na magkikita pa si Pangulong Duterte at Misuari.
Pagpapahintulot ng korte na makalabas ng bansa si MNLF Founding Chairman Nur Misuari, may basbas ni Pangulong Duterte
Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na may basbas niya ang pagpapahintulot ng Sandiganbayan na makalabas ng bansa si Moro National Liberation Front Founding Chairman Nur Misuari.
Sa kanyang talumpati sa General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines sa Manila Hotel kagabi, nilinaw ni Pangulong Duterte na minsan lang naman siya humiling.
Gayunman, hindi idinetalye ng pangulo kung sino ang kanyang kinausap upang hilinging payagang makadalo si Misuari sa 46th session ng Organization of Islamic Cooperation sa United Arab Emirates at meeting ng parliamentary union ng OIC member states sa Morocco.
“I’m trying my best kaya sabi ko, si Misuari, paalisin ninyo and he’s going to attend the OIC and sabi ko ‘go ahead’. We embrace each other because I consider him a brother, tapos sabi niya ‘papuntahin mo lang ako’ and he done that several times so you can go, so nag courtesy call siya tapos umalis na.”
—-