Suportado ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang anumang hakbang ng Malacañang para matukoy ang katotohanan sa pagkamatay ng teroristang si Zulkifli Bin Hir alias Marwan.
Sa gitna na rin ito ng report na aide ni Marwan ang nakapatay dito at hindi ang tropa ng Special Action Force.
Sinabi ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na susunod sila sa anumang kagustuhan ng Pangulong Benigno Aquino III para mapalutang ang katotohanan sa likod ng Mamasapano operation.
Subalit ayon kay Marquez, nakasaad sa Board of Inquiry report ang mga impormasyong nakalap sa kainitan ng imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng 44 na SAF commandos.
Samantala, naniniwala naman si PNP SAF Chief Police Director Virgilio Lazo na ang SAF troopers na nag-operate sa Mamasapano ang siyang nakapatay kay Marwan.
By Judith Larino