Nanindigan si BTA o Bangsamoro Transition Authority Interim Chief Minister Alhaj Murad Ebrahim na walang iregularidad sa appointment ng mga uupo sa transition government ng BARMM o Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kasunod na rin ito ng pag kuwestyon ni Atty. Ferdausi Abbas ng MNLF sa komposisyon ng BTA na malinaw na hindi pantay ang hatian ng puwesto sa BTA ng MNLF at MILF.
Sinabi ni Ebrahim na malinaw sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law na sa transition period ng BARMM, MILF ang mamumuno at halos bubuo sa BTA.
Ito aniya ay para mabigyan na rin ng pagkakataon na ma transform ang kanilang hanay sa MILF mula revolutionary organization patungong governance at bureaucracy.
Umapela si Ebrahim ng pang unawa kay Abbas dahil ang BTA ay tatagal lamang ng tatlong taon at makalipas nito ay maaari nang lumahok ang grupo ni Abbas sa eleksyon para sa BARMM.