Sumampa na sa pito katao ang bilang ng mga nasawi habang patuloy na pinaghahanap ang dose-dosena pang hinihinalang nabaon nang gumuho ang isang iligal na minahan ng ginto sa Isla ng Sulawesi sa Indonesia.
Ayon sa mga otoridad, nasa 20 naman ang bilang ng mga na-rescue nang mangyari ang landslide.
Nakahahadlang naman sa ginagawang rescue operation ng mga otoridad ang matarik at maputik na lupain sa bahagi ng minahan.
Dahil dito ay hindi rin maaaring gumamit ng mga mabibigat na lifting machinery na posible sanang makapagpabilis ng kanilang paghahanap.
Samantala, matagal na umanong iginigiit ng mga mamamayan sa naturang lugar na ang kakulangan ng oportunidad sa mga lokal na trabaho ang nagtutulak sa kanilang umasa sa iligal na pagmimina.