Nakipag-ugnayan na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa social media networking company na Facebook na siyang may hawak ng messaging app na WhatsApp.
Kasunod ito ng umano’y kumakalat na Momo Challenge, isang online gaming challenge sa Whatsapp na sinasabing nagiging dahilan ng pananakit sa sarili hanggang pagpapatiwakal ng ilang mga kabataan.
Ayon kay DICT Secretary Eliseo Rio Jr., nangako na sa kanila ang Facebook na iba-block ang nasabing nakamamatay na challenge sakaling gamitin bilang platform ang Whatsapp o kanilang messaging app para ipakalat ito.
Sinabi ni Rio, noong nakaraang taon pa simulan ng mga awtoridad sa ibang bansa ang pagsisiyasat kung saan nagsimula ang nasabing challenge.
“Mga July of last year ay reported na itong Momo challenge sa iba-ibang bansa at ang mga awtoridad doon ay hinahanap na rin ang source, pero bina-block na rin, actually ang nag-umpisa nito ay ang tinatawag na blue whale challenge at yun effectively ay blocked na rin kaya nag-evolve na naman dito sa isa.” Ani Rio
Kasabay nito, pinayuhan ni Rio ang mga magulang na maging alerto sa mga aktibidad ng kanilang mga anak sa social media.
Kanya ring inimbitahan ang mga magulang na dumalo sa isinasagawang seminar ng DICT para maiging mabantayan ang mga social media activity ng kanilang mga anak.
“Kailangan vigilant tayo, i-monitor natin palagi, sa DICT may program kami na digital parenting na pagtuturo at pag-inform sa mga magulang kung paano nila i-monitor at i-guide ang kanilang mga anal, alam niyo naman ang mga bata ngayon mas marunong pa sa pagpunta sa mga website kaysa sa mga magulang.” Pahayag ni Rio
Balitang Todong Lakas (Interview)