Tutol ang isang grupo ng mga kababaihan sa panukala ni Albay Representative Joey Salceda na bigyan ng sweldo ang mga housewife o maybahay.
Ayon kay Gabriela Women’s Party list Representative Emmie de Jesus, lilikha ng kaguluhan sa konsepto ng papel ng mga kababaihan sa lipunan ang nasabing panukala ni Salceda.
Aniya, hindi sila naniniwalang kinakailangang bayaran ang isang bagay na dapat ay sinusuportahan at tinutulungan pa ng lipunan.
Binigyang diin ni de Jesus, mas makabubuti kung matututukan ang mga tunay na problema ng kababaihan tulad ng mababang sahod at kawalan ng kasiguraduhan sa trabaho maging ng kanilang mga asawa at mataas na presyo ng bilihin.
“Ang pinaka ang quote na pag-appreciate tingin sa kababaihan ay pagkilala sa kanilang productive role sa lipunan, sila ay bahagi ng industriya (nagtatrabaho sa labas) at nanay pa rin naman.” Tinig ni Rep. de Jesus.
Samantala, malamig rin si Labor Secretary Silvestre Bello III sa panukalang bayaran ang mga housewife.
Aniya, maaari nila itong ikunsidera pero kinakailangan ding tignan ang kakayahan ng pamahalaan na mapondohan ito.
“Pwede rin ikunsidera pero tingnan natin kung ano ang kakayahan ng pamahalaan diyan dahil siyempre unang una, mayroon 4Ps na ‘yan tapos dadagdagan mo ng ganyan baka mabibigatan an ating pamahalaan. Siyempre alam naman natin ang kalagayan ng ating mga magulang sa bahay, madaming trabaho ‘yan, kung minsan mas mabigat pa ang trabaho ng babae kaysa lalaki na pumapasok sa opisina.” Tinig ni Sec. Bello.
Interview from Ratsada Balita