Idinepensa ng Malacañang ang paggamit ng wiretapped information sa narco-list na ilalabas nila sa susunod na linggo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang batas na nagsasabing illegal ang pagtanggap ng wiretapped information mula sa ibang bansa.
Ang bawat bansa aniya ay nagtutulungan at nagpapalitan ng mga impormasyon para labanan ang terorismo at kriminalidad.
Una nang sinabi ni Panelo na nagmula sa dayuhang bansa ang wiretapped information na ginamit sa pagbuo ng narco-list.
Matatandaan na inamin ng Pangulong Rodrigo Duterte noong September 2017 na pinayagan nya na i-wiretap sina dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog at yumaong Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na una na niyang inakusahang sangkot sa illegal drugs operations sa bansa.
Ipinagbabawal ang wiretapping sa ilalim ng Republic Act 4200 o Anti-Wiretapping Law maliban kung may basbas ng korte.
Samantala, blangko ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung may nagmulang wiretapped information mula sa ibang bansa hinggil sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa illegal drugs.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, nadatnan na niya sa PDEA ang intelligence reports hinggil sa mga narco-politicians.
Sinabi ni Aquino na hindi niya alam ang prosesong ginawa para makuha ang mga impormasyon at kung may nakialam na ibang bansa.
Tiniyak ni Aquino na paulit-ulit ang ginawa nilang pag-validate sa mga intelligence reports bago nila ito isapubliko sa susunod na linggo.
Dumistansya rin ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pag-amin ng Malacañang na nagmula sa wiretapped information sa ibang bansa ang ginamit nilang basehan sa ilalabas na bagong narco-list.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, ang PDEA ang nangunang ahensya sa pagbuo ng narco-list.
Tiniyak ni Diño na malaking tulong ang pagpapalabas ng narco-list upang matiyak na mga matitinong halal na opisyal ang mailuklok sa puwesto.
Katunayan, marami aniya sa mga nasama sa inilabas nilang ‘narco-list’ noong barangay elections ang natalo sa eleksyon.
—-