Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang marahas na pagtrato ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major General Guillermo Eleazar sa pulis na nahuling nangingikil.
Matatandaang hindi napigilan ni Eleazar ang kanyang emosyon nang makita si Police Corporal Marlo Quibete matapos na maaresto ito sa isang entrapment operation sa Pasig.
Sa gitna ng naging speech ng Pangulo sa anibersaryo ng Presidential Anti-Corruption Commission sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na iilan na lamang ang natitirang matinong pulis ngayon kaya sa halip na batikusin ang ginawa ni Eleazar ay dapat itong suportahan.
“Ito ngang pulis, every day there’s always an idiot, nahuli ‘yung isa, was being…inano ni Eleazar and he was criticized for that, sabihin mo kay Eleazar okay ‘yun, ano ba naman ‘yung ganun-ganun, sabihin mo I have his back covered.” Ani Pangulong Duterte
Una nang nag-sorry si Eleazar sa kanyang ginawa at sinabing handa siyang harapin ang anumang reklamo na ihahain laban sa kanya.
“Humihingi ako ng paumanhin kung medyo hindi ako nakapagtimpi at nailabas ang aking emosyon pero actually itong mga taong ito ‘yan ang mga walang puwang diyan, hindi ko sinampal ‘yan, hindi dinibdiban, tinataas ko ang mukha niya, hindi ko rin sinabunutan, halos walang buhok nga eh diba, gusto kong makita ang mukha niya, dinuro siguro dinuro, pero ‘yung sinampal hindi ko sinampal, hindi ko sinabunutan, dinibdiban hindi, pero kinuwelyuhan ko, itiningala ko ang mukha, dinuro-duro ko, eh dapat lang.” Pahayag ni Eleazar
—-