Ikinalugod ng Calamba City sa Laguna ang pangunguna sa listahan ng mga lungsod na may pinakamalinis na hangin sa Southeast Asia.
Batay ito sa 2018 air quality report ng Swiss-based IQ Airvisual kung saan pasok din sa top 15 ang sampu pang mga lungsod sa Pilipinas.
Ayon kay Calamba City Mayor Timmy Chipeco, wala silang ideya na may ganung uri ng organisasyon na sumusukat sa kalidad ng hangin sa isang lugar.
Gayundin, hindi rin nila inaasahang mangunguna ang kanilang lungsod sa nasabing pag-aaral.
Nagulat kami, nakakatuwa din naman dahil ito ay isang magandang balita. Marami mga kababayan namin na natutuwa dahil naninirahan sila sa lungsod na may magandang kalidad ng hangin. Pahayag ni Chipeco
Samantala, tinukoy naman ni Chipeco ang pagkakaroon ng balanseng kapaligiran sa Calamba City sa pangunahing dahilan kaya sila nanguna sa pagkakaroon ng pinakalamalinis na hangin sa timog silangang Asya.
We also look into ‘yung balanse sa aming lugar, mayroon kaming agricultural area, housing area at dahil sa location na rin geographically. At hindi lang hangin ang malinis pati ang tubig namin. Paliwanag ni Chipeco
Greenpeace hindi masyadong kumbinsido sa ulat
Hindi isang daang porsyentong kumbinsido ang Greenpeace Philippines sa ipinalabas na ulat ng Swiss-based IQ Airvisual kung saan nanguna ang Calamba City, Laguna sa may pinakamalinis na hangin sa Southeast Asia.
Ayon kay Greenpeace campaigner Kevin Yu, bagama’t lehitimong grupo ang gumawa ng pag-aaral, hindi aniya masasabing eksakto ang datos nito.
Paliwanag ni Yu, ito ay dahil limitado lamang ang mga device o instrumento na meron ang mga lungsod sa bansa para matukoy ang tunay na kalidad ng hangin sa mga ito.
Sa kabila naman ng pahayag ng Greenpeace Philippines, binigyang diin ni Calamba City Mayor Timmy Chipeco na nakabuti pa rin ang pagpapalabas ng nasabing pag-aaral para magkaroon kamalayan ang mga Pilipino sa kahalagahan ng malinis na hangin.
The point is we are trying to monitor air quality, you don’t have to be precise, we have to look into the overall impact na nagiging concern ito ng mamamayan dahil meron tayong responsibility to help protect the environment. Paliwanag ni Chipeco