Ibinunyag ni Senate President Vicente Sotto III na may nagalaw na aabot sa P79 billion sa panukalang pambansang budget para sa 2019
Batay aniya ito sa inireport sa kanila ng LBRMO o Legislative Budget Research and Monitoring Office ng Senado.
Ayon kay Sotto, ang nasabing pondo ay hindi naaayon sa napagkasunduan at niratipikan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
“Tingin ng LBRMO at yun ang ipinaparating na report sa akin, eh may nagalaw na 79 billion na hindi kasama sa pinag-usapan sa bicam. Yung ni-ratify namin hindi ‘yun…hindi ‘yun ang laman nun. Maaaring ang total na nandoon sa GAA ngayon or sa proposed na GAA ngayon ay tama ito. Pero sa loob, mayroon nag-likot ng furniture bawal na bawal ‘yun sa constitution.” Pahayag ni Senate President Sotto.
Inaasahan naman ni Sotto na kakausapin ng executive department ang Kamara de Representates kaugnay ng kanilang natuklasang ginalaw na pondo sa panukalang 2019 national budget.
Dagdag pa ni Sotto, kanya na rin itong napagbigay alam kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ang ipinaalam namin sa executive department na hangga’t maaari kausapin yung House…yung leadership ng House at sabihin sa kanila, i-maintain doon sa ipinasa nanmin. Napag-usapan namin ‘yan noong dinner kay Mahathir. Basta ako ang nakakasiguro ako na si Pangulong Duterte naintindihan yung posisyon ko.” Ani Senate President Sotto.