Tutol ang TUCP o Trade Union Congress of the Philippines sa plano ng Department of Labor and Employment o DOLE na bawasahan ang bilang ng mga ipinadadalang Filipino skilled workers sa ibang bansa.
Ayon sa TUCP, hindi magiging epektibo ang nasabing plano ng DOLE hangga’t namamayagpag pa rin ang kahirapan at mababang pasahod sa Pilipinas.
Hindi anila mapipigilan ng DOLE ang mga Filipinong manggagawa na mangibang bayan lalo’t nakatitiyak silang gagawa ng paraan ang mga ito para makapagtrabaho sa ibang bansa kung saan mas malaki ang iniaalok na sahod.
Binigyang diin naman ng TUCP, mas makabubuti kung pagtutuunan na lamang ng pansin ng DOLE ang problema sa mababang sahod sa bansa para hindi na kailanganin pang mag-ibang bayan ng mga manggagawang Filipino.
Una nang sinabi ng DOLE na plano nilang limitahan na lamang ang bilang ng ipinadadalang Filipino skilled workers sa bansa para matugunan ang kakulangan sa mga manggagawa sa construction industry sa Pilipinas.