Abot-abot naman ang paghingi ng paumanhin ng mga water concessionaires sa Metro Manila kasunod ng nararanasang mahina hanggang sa walang suplay ng tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Ito’y bunsod na rin sa epekto ng umiiral na El Niño phenomenon sa bansa na siyang nagpapababa sa lebel ng tubig sa mga pangunahing dam na pinagkukunan ng mga residente.
Sa panig ni Jeric Sevilla, spokesman ng Manila Water Corporation, bagama’t umaasa silang masusuplayan na nila ng tubig ang kanilang mga customers bukas, ibinabala naman nito na posibleng magtagal pa ang nararanasang pagbabawas nito hanggang Mayo.
“Unang-una po, humihingi talaga tayo ng pauumanhin at pang-unawa doon sa pagkawala po ng supply ng tubig noong mga nakaraang araw. Hindi po natin talaga ‘yun inaasahan napakataas ng ating demand. Kumbaga ipipilit natin i-manage kung anuman available supply na meron tayo at magagawa lang natin yun para makatawid tayo ng summer. Kasi yung La Mesa dam nakakadagdag sana supply ng tubig natin medyo sobrang baba na ng level.” Pahayag ni Sevilla.
Gayunman, tiniyak ni Sevilla na tuluy-tuloy ang pag-iikot ng kanilang mga water tanker lalo na sa mga barangay na wala talagang suplay ng tubig.
“Mga kasamahan natin ay nakaka-coordinate naman ‘yan sa mga barangays, so meron na talaga tayo…kumbaga usapan sa ating mga barangay ang delivery time for the water tankers. Pero pwede rin po sila tumawag sa hotline natin na 1627. Yung mg kasamahan rin po natin sa Manila Water ay mga nasa field po ngayon talagang tingnan kung saan talaga dapat i-prioritize yung water delivery.” Ani Sevilla.
interview from OH! IZ sa DWIZ
Maynilad nagpatupad na rin ng water service interruption
Nagpatupad na rin ng water service interruption ang Maynilad sa ilang mga lugar na kanilang nasasakupan.
Ayon kay Grace Laxa, tagapagsalita ng Maynilad, nagsimula na kaninang alas nuebe ng umaga ang naturang water interruption sa mga lugar kabilang ang Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, at Bacoor, Cavite.
Inaasahan naman itong tatagal hanggang alas kwatro ng madaling-araw bukas.
“Ang dahilan naman namin ay isasara ang Putatan Treatment Water Plant namin para po bigyan daan ang upgrading ng pump. Bilang paghahanda po ng activation ng isang bagong tayong treatment facility na katabi rin po ng aming treatment facility sa Bryg. Putatan, Muntinlupa City. Ito pong proyekto na ito ay para po lalo mapabuti ang serbisyo ng patubig sa West Zone. Magsisimula ito ng nine o’ clock ng ngayon po na araw hanggang alas otcho ng gabi ng March 11.” Pahayag ni Laxa.