Hinamon ni Philippine Charity Sweepstakes Office Board Member Sandra Cam si ousted General Manager Alexander Balutan na harapin ang lahat ng alegasyon ng korapsyon na ibinabato rito.
Ayon kay Cam, inililihis lamang ni Balutan ang usapin nang sabihin nitong nagbitiw siya sa puwesto gayung malinaw na aniya ang pahayag ng Palasyo na sinibak ito sa puwesto dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Sinabi ni Cam, kabilang sa mga anomalyang kinasasangkutan ni Balutan ay ang paglalagay ng kanyang mga mistah para sa operasyon ng small town lottery (STL) kung saan malaki aniya ang nakukuhang kick back nito.
Gayundin ang mga usapin ng korapsyon hinggil sa power ball at peryahan ng bayan ng PCSO.
“It’s not only STL, we’re also having this power ball, bago ako pumasok ng December 2018, November minadali nila ang kontrata ng power ball, ‘yung scratch card ba, ang nangyari paka-ink nila ng kontrata which is very disadvantageous to the government , pumunta po ang girlfriend niya at ‘yung si Roger Ramirez at may-ari ng power ball sa Paris, ‘yung sa Globaltech mo ‘yung sa peryahan ng bayan, kung sumunod lang sa desisyon ng korte eh hindi sana nagkawindang-windang ang aming revenue ngayon because bumagsak ang revenue ng STL pagkapasok ng peryahan.” Ani Cam
Susunod na magiging pinuno ng PCSO
Tiniyak ni PCSO Board Member Sandra Cam na patuloy niyang ipaglalaban ang pagsasaayos sa ahensiya.
Ito ang binigyang diin ni Cam kasunod ng pagkakasibak kay PCSO General Manager Alexander Balutan sa puwesto dahil sa usapin ng korapsyon.
Ayon kay Cam, hindi siya titigil hangga’t hindi aniya maaayos o malilinis mula sa korapsyon ang PCSO.
Nilinaw naman ni Cam na wala siyang interes sa posisyong naiwan ni Balutan.
Aniya, hindi niya nais pangunahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa magiging pasiya nito bagama’t kanyang binigyang diing makabubuti kung hindi na magmumula sa militar ang susunod na magiging pinuno ng PCSO kundi isang taong may puso.
“Ako ay magsisilbi lang na kaagapay ng Pangulong Duterte sa pagtugis ng mga corrupt na official, I don’t want to preempt, hindi naman ako puwedeng manguna sa kanyang desisyon, but what I can say is I want PCSO to have a heart, puso at malasakit, pagmamahal at malasakit para sa taongbayan, hindi ‘yung you will liberalize the PCSO, hindi ito military camp, ito po ay charity agency ng gobyerno.” Pahayag ni Cam
(Ratsada Balita Interview)