Posibleng partial list pa lamang ng mga pulitikong sangkot sa operasyon ng iligal na droga ang maipalabas ng Department of Interior and Local Government o DILG.
Ayon ito kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Aaron Aquino dahil ilan sa mga nasa ‘narco-list’ ay patuloy pa nilang isinasailalim sa revalidation.
Sinabi sa DWIZ ni Aquino na maaaring ngayong linggo ay masampahan na ng administrative case ang ilang pulitikong natapos nang sumalang sa revalidation at talagang dawit sa illegal drug trade sa bansa.
“Ito’y gagawin nila maybe within the week, kailangan na masampahan man lang kahit administrative case, ako inaamin ko we’re in the process of revalidating all the narco-politicians kasi 82 lahat ‘yun eh so kung mailabas man it’s a partial list kaya nga sinasabi ko hindi pa tapos ang revalidation namin, that’s the reason why na ‘yung initial stand ko talaga noon ay huwag munang i-reveal dahil ito’y hindi pa tapos.” Pahayag ni Aquino
(Balitang Todong Lakas Interview)
Kung ang Palasyo naman ang tatanungin, hindi na mapipigilan pa ang inaasahang paglalantad sa mga pangalang kabilang sa ‘narco-list’ ngayong linggong ito.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, wala silang nakikitang dahilan para maudlot pa ang nakatakdang pagbubunyag sa publiko ng mga pulitikong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.
May instruction na aniya tungkol dito si Pangulong Rodrigo Duterte at na kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang bola para isapubliko ang mga sangkot sa illegal drug trade na kinabibilangan ng mga tumatakbo ngayong midterm elections.
Una nang sinabi ng Palasyo na may karapatan ang mga botante na malaman ang background ng mga kandidato at hindi dapat ipagkait sa mga ito ang katotohanan kontra sa isang tumatakbo.
Hindi aniya kailanman dapat mangibabaw ang individual right sa usaping may kinalaman sa pambansang seguridad at interes kaya wala nang makapagpapabago pa sa pasya ng pamahalaan upang ilantad sa taong bayan ang ‘narco list’ ngayong linggong ito.—By Jopel Pelenio
—-