Hinikayat ng Kongreso ang pamahalaan na mamuhunan sa mga paraan para masolusyunan ang kakulangan sa tubig sa Metro Manila.
Paliwanag ni Kabayan Representative Ron Salo, mainam na mag-invest ang pamahalaan sa mga kagaya ng mobile desalination at water purification assets tulad ng ginawa noong manalasa ang Yolanda at Ondoy kung saan naging problema rin ang pagkukunan ng malinis na tubig sa lugar na sinalanta ng naturang mga bagyo.
Hindi aniya nakikita ni Salo na isang epektibong solusyon sa kakapusan ng tubig ang pagtatayo ng mga karagdagang dam.
Kasabay nito, tiniyak ni Salo na susuportahan ng Kamara ang pagpopondo sakaling maisulong ang proyekto.
Water crisis
May iba pang dahilan bukod sa El Niño phenomenon kaya nakararanas ng kakulangan ng supply ng tubig sa Metro Manila at Rizal.
Ayon sa PAGASA, kasama dito ay ang paglaki ng konsumo ng tubig at alokasyon na ibibigay ng water concessionaire.
Sinuportahan naman ito ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Ayon sa MWSS, nagkaroon ng kakulangan ang Manila Water sa pag-tantiya sa water demand ng kanilang mga customer.
Posible anilang sa paglipas ng panahon ay dumami na ang tao sa mga lugar na nasasakupan ng Manila Water kaya lumobo na rin ang kailangan nitong supply ng tubig.
—-