Magsasanib pwersa na ang Manila Water Company at Maynilad Water Services upang maibsan ang problema sa kakulangan ng suplay ng tubig sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay Jeric Sevilla, tagapagsalita ng Manila Water, umaasa sila na maipatutupad na ngayong linggo ang water sharing o pagbabahagi ng suplay ng tubig sa pagitan nila at ng Maynilad.
Pinag-uusapan na anya ngayon ng dalawang water concessionaire ang implementasyon ng naturang hakbang.
Tinatayang nasa tatlumpu (30) hanggang limampung (50) milyong litro ng suplay ng tubig kada araw ang paunang ibabahagi ng Maynilad sa Manila Water.
Samantala, magugunitang una ng ipinaalam ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na tutulong ang Maynilad sa pagsu-supply ng tubig sa mga customer ng Manila Water Company.
Resolusyon para suriin ang mga insidente ng water service interruption sa Metro Manila inihain na
Naghain na ng resolusyon na naghihimok sa House committee on good government and public accountability na magsagawa na ng pagdinig upang suriin ang mga insidente ng water service interruption sa mga lugar sa Metro Manila.
Batay sa House Resolution 2518 na inihain ni Bayan Muna Party-list Representative Carlos Zarate, layon nito na tukuyin ang epekto nito sa mga consumer maging ang kahandaan ng mga ito sa ganitong kondisyon.
Ayon kay Zarate, patuloy na iginigiit ng pagasa na predictable pa ang kondisyon ng tagtuyot sa bansa at mapaghahandaan pa ito ng mga water concessionaire.
Tila aniya hindi nagawa ng mga water concessionaire ang naturang paghahandang ito dahil sa libo-libong mamamayan na naapektuhan ng water interruption.
Ito’y sa kabila rin ng pahayag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at ng National Water Resources Board na walang problema sa suplay ng tubig sa bansa.
Giit ni Zarate, nakababahala na ang sitwasyong ito at dapat na aniyang imbestigahan.
—-