Nakatakdang humarap sa Senado ang mga opisyal ng Manila Water para sa imbestigasyon ng nangyaring kakapusan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan.
Ito’y matapos ipatawag ng Senate committee on public services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe ang mga opisyal ng naturang water concessionaire.
Ayon kay Poe, maraming dapat ipaliwanag ang Manila Water dahil sa wala umano itong abiso kaugnay sa mararanasang krisis sa tubig.
Kinuwestiyon din ni Poe ang nararanasang water shortage ng Manila Water gayung nasa normal na lebel pa naman aniya ang Angat dam na pinagkukunan ng siyamnapung porsyento ng tubig na kanilang sinusuplay sa NCR.
Giit ng senadora hindi na bago na pagdating na pagdating ng Marso ay madalang na ang pag-ulan kaya’t may El Niño man o wala, dapat aniya ay napaghahandaan ang ganitong klase ng sitwasyon.
Cloud seeding operations ng PH Air Force kasado na
Kasado na ang isasagawang cloud seeding operations ng Philippine Air Force para matugunan ang epekto ng El Niño.
Ayon kay Air Force Spokesperson Major Aristides Galang, manggagaling sa Department of Agriculture ang mga lugar na bibigyang prayoridad sa operasyon.
Sa Isabela aniya posibleng magsimula ang cloud seeding operation ngayong darating na weekend kung saan gagamitin ang 220th airlift wing sa Benito Ebuen Air Base sa Cebu City.
Tinatayang nasa labing P8.3 million naman ang inilabas na pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa nasabing operasyon.