Tinatayang nasa 200 accounts ang isinara ng social media giant na Facebook na iniuugnay sa dating social media campaign manager ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Nathaniel Gleicher, head ng cyber security policy ng Facebook, nasa 67 pages, 68 accounts, 40 groups at 25 Instagram accounts ang kanilang tinake-down dahil sa misleading behavior ng mga ito.
Paliwanag ni Gleicher, nagkukunwari ang mga ito bilang mga independent account.
Gayunman, lumabas aniya sa kanilang imbestigasyon na magkakatugma ang mga gawain ng mga naturang accounts na nag-uugnay sa iisang network na binuo ni Nic Gabunada, social media campaign manager ng pangulo noong 2016 elections.
Dagdag pa ni Gleicher, magkahalong tunay at pekeng accounts ang mga ito na ginagamit para maghatid ng mensahe na may kaugnayan sa mga political candidate.
Nilinaw din nito na ang panlilinlang ng tao sa pamamagitan ng mga pekeng accounts ang kanilang naging basehan sa kanilang imbestigasyon.
Magugunitang nangako ang Facebook na poprotektahan nila ang integridad ng nalalapit na halalan sa pamamagitan ng pag-take down ng mga fake account at fake news sa kanilang website.
Nasorpresa ang dating social media campaign manager ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang tukuying nasa likod ng 200 accounts na tinanggal ng Facebook.
Ayon kay Gabunada, bilang public relations person, hindi maiwasan na idinadagdag ang kanyang pangalan sa mga FB pages lalo na noong panahon ng kampanya.
Ipinaliwanag ni Gabunada na noong mga nakaraang taon, otomatikong pwedeng ipasok sa isang group ang isang account kahit hindi humingi ng permiso kayat nang suriin ng Facebook ang ilang FB pages ay nakita ang kanyang pangalan.
Tinawag ring unfortunate ni Gabunada ang insidente dahil kahit ang kanyang personal Facebook account ay tinanggal rin ng Facebook.
Contributor: Len Aguirre