Handa ang Dangerous Drugs Board (DDB) na maglatag ng siyentipikong pag-aaral para matukoy ang tunay na lawak ng suliranin sa iligal na droga sa bansa.
Ayon kay DDB Chairman Catalino Cuy, magsasagawa sila ng census bilang bahagi ng naturang hakbang upang maibigay ang tunay na mukha ng sitwasyon ng iligal na droga.
Marami na anyang isinagawang pag-aaral hinggil dito ngunit kulang ang mga ito ng datos na galing sa mga law enforcement agency.
Titiyakin din ani Cuy na magiging bahagi ang mga naturang datos upang mapabuti ang kanilang pagsisiyasat.
Dagdag pa nito, nakikipag-ugnayan na anya sila sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa pagsasagawa ng nasabing census.
Samantala alinsunod sa Executive Order No. 66 na inilabas noong nakaraang taon ay mayroong mandato ang DDB na magsagawa ng isang malawakang survey upang matukoy ang sitwasyon sa paglaganap ng iligal na droga sa bansa.