Kinasuhan na ng Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang 33 mga pulis na nahuling nag-eescort ng mga politiko nang walang permit mula sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, kabilang ang mga ito sa kabuuang 69 na mga pulis na nahuling nag-moonlighting o nagsilbi bilang mga escort ng mga kandidato.
Sinabi ni Triambulo, patuloy pa ang imbestigasyon sa nalalabing 36 na pulis na lumabag Comelec protocol habang 33 ang ipinagharap na sa kasong grave misconduct at posibleng masibak sa serbisyo.
Nitong Enero, inilunsad ng pnp ias ang bantay kapulisan para sa halalan 2019 campaign kasunod ng mga natatanggap nilang reklamo hinggil sa mga pulis na ginagamit ng mga politiko bilang mga escort para makapang-harass ng mga kalaban.
Samantala pinaalalahanan naman ni PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac ang mga pulis na manatiling apolitical at huwag tumanggap ng ibang trabaho bilang police escort nang walang permiso mula sa Comelec.
“Kailangan talaga na magkaroon ng koordinasyon at authorization na magmumula sa ating pamahalaan. Hindi lamang sa HPG dahil ayaw natin magkaroon ng bahid ng pulitika ang ating pagganap tungkulin. Hangga’t maaari iiwasan natin na magkaroon ng ganitong activities.” Pahayag ni Banac.