Tiniyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na patas ang mga kondisyong nagpagkasunduan sa nilagdaang loan agreements ng Pilipinas sa China.
Inihayag ito ni Panelo matapos ng pulong kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua sa Malacañang kung saan kanilang natalakay ang ilang mga kontrobersiya kabilang ang pagpopondo ng China sa Kaliwa Dam at Chico River Irrigation Project.
Ayon kay Panelo, pareho sila ng naging pananaw ni Zhao na kapwa patas para sa Pilipinas at China ang mga inilatag na kondisyon sa pinasok na loan agreement ng bansa.
Binanggit din aniya ni Zhao na ang malakas at magandang ekonomiya ng Pilipinas ang dahilan kaya nag-alok sila ng pagpapautang para sa mga proyektong imprastraktura ng bansa.
Una nang ikinabahala ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na maaaring kunin ng China ang natural gas at oil reserves sa Reed Bank oras na hindi mabayaran ng bansa ang utang sa China para sa Chico River Irrigation Project.
—-