Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naghain na nga ang bansa ng diplomatic protest kaugnay sa mahigit animnaraang (600) mga sasakyang pandagat ng China na umaaligid sa Pag-asa Island.
Sa pamamagitan ng kanyang Twitter, sinabi ni DFA Secretary Teddy Boy Locsin Jr. na inihain niya ang protesta bago pa man siya magtungo sa China.
Nagkaroon ng official visit si Locsin sa China noong March 18 hanggang 21.
Sinabi ni Locsin na ginawa niya ito para hindi naman siya maakusahang hindi sinsero kung ipapasa niya ang protesta pagkatapos ng kanyang naging pagbisita.
Sa kabila nito ay nanindigan naman si Locsin na hindi niya isasapubliko ang naturang diplomatic protest.
Sa huling ulat, hindi lamang mga mangingisdang Tsino ang nasa katubigang sakop ng bansa bagkus ay mga Chinese militia.
Samantala, nais lamang ng China na makipag-kaibigan at magkaroon ng maayos na relasyon sa Pilipinas.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga ulat ng pagdami ng mga barko ng China sa paligid ng Pag-asa Island sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea.
Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Malabon City, ipinunto ni Pangulong Duterte ang pagbibigay ng mga armas at bala ng China nang walang hinihinging kapalit bilang patunay ng kanilang pakikipag-kaibigan.
Ito ay matapos aniyang mabigo ang Amerika na i-deliver ang mga biniling baril ng bansa.
Binanggit din ng Pangulo ang suporta ng China sa proyektong pang-imprastraktura ng kanyang administrasyon.
—-