Bukas si Trade and Industry Secretary Ramon Lopez sa hiling ng mga manufacturers na lagyan ng suggested retail price (SRP) ang isdang tamban.
Ayon kay Lopez, kanyang kokonsultahin hinggil dito ang Department of Agriculture (DA) na nakakasakop sa mga produktong pang-agrikultura tulad ng isda.
Una nang hiniling ng Canned Sardines Manufacturers Association of the Philippines ang pagtatakda ng SRP sa tamban para makatulong sa pagbaba ng presyo ng mga delatang sardinas.
Ayon kay Bombit Buencamino, Executive Director ng grupo, hindi pa rin bumababa ang presyo ng isdang tamban kahit fishing season na at inaasahang marami na silang mahuhuli.
Sa ngayon aniya, bagama’t nasa 30 pesos ang kasalukuyang presyo ng kada kilo ng tamban na mas mababa ng dalawang piso sa presyuhan bago magsimula ang fishing ban, mataas pa rin aniya ito kumpara sa dating 16 hanggang 18 pesos kada kilo.
Dagdag ni Buencamino, hindi rin makapagbaba ng presyo ng delatang sardinas ang mga manufacturers dahil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo at pagpapatupad ng TRAIN Law.
—-