Kumikilos na ang Department of Labor and Employment (DOLE) para matiyak na mayroong permit ang mga dayuhang nais magtrabaho sa Pilipinas.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakipag-ugnayan na sila sa iba pang ahensya ng gobyerno para masigurong may working visa mula sa kanyang bansang panggagalingan na ang isang dayuhan na nais magtrabaho sa Pilipinas.
“Tiyakin natin na meron silang permit, pinag-usapan natin ‘yan kasam ang Finance, Justice, PAGCOR, Immigration, BIR, DTI, pinag-usapn namin na kung may gustong pumunta dito para magtrabaho ay doon pa lang sa pinanggalingan nila ay kumuha na sila ng working visa, tiyakin na doon na ang pupuntahan nilang trabaho dito ay hindi magagawa ng Pilipino.” Ani Bello
Ipinabatid pa ni Bello na nanghihingi na sila ng listahan ng mga dayuhang manggagawa partikular yung mga nasa economic zones na inabisuhan na rin nilang mahigpit na i-check ang alien employment permit.
“Usapan din namin na lahat ng pupunta dito, kung papasok sila ay alam na ang Department of Labor kaya ang Immigration kapag nag-issue sila ng provisional working permit bibigyan kami ng kopya nung foreigner na pumunta dito, na nagtatrabaho nang sa gayun ay alam ng DOLE kung ilan sila at kailangan maeron silang alien employment permit, kapag wala sila niyan ay illegal sila.” Pahayag ni Bello
(Balitang Todong Lakas Interview)