Pinaigting pa ng Department of Agriculture o D.A ang pagbabantay laban sa banta ng African Swine Fever sa bansa.
Ito’y makaraang mag-anunsyo na ang gobyerno ng Cambodia ng outbreak o paglobo ng kaso ng naturang sakit sa kanilang bansa.
Bukod sa pansamantalang pagbabawal ng pagpasok ng karne at produktong gawa sa karne mula sa Cambodia, nagpakalat na rin umano ang D.A ng “meat-sniffing” dogs sa mga international airports sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, nasa mahigit 50 german shepherds mula sa bayan ng Talisay sa Negros Occidental ang inatasan ng Bureau of Animal Industry para magmonitor sa mga pumapasok na produkto sa mga paliparan.
Bagaman umano walang dalang panganib sa kalusugan ng tao ang naturang sakit ay maaari naman nitong maapektuhan ang produksyon ng mga alagang hayop kung hindi ito makokontrol.
Samantala, ang Cambodia ang ikalawang bansa sa timog-silangang Asya na tinamaan ng African Swine Fever.