Apat na pinaghihinalaang miyembro ng iniuugnay sa droga na Parajinog group ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente sa bayan ng Mandaue, kagabi.
Isang kinilalang Jessie Parojinog, alyas “Oyong” ang nabaril makaraan umanong manlaban sa mga otoridad nang ihain ang arrest warrant laban dito sa Barangay Tingub.
Agad naman itong isinugod sa ospital ngunit idenaklara ring dead on arrival.
Patay din ang kinilalang sina Henry Labajo at Eduard Baliling sa Barangay Looc na aarestuhin sana ng mga otoridad dahil sa kanilang warrant hinggil sa pagbebenta ng iligal na droga.
Samantala, isang pang lalaki na kinilala namang si Danilo Parojinog ang nabaril ng isang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Ayon kay Police Major Mercy Villaro, tagapagsalita ng Mandaue City Police Office, ang mga naturang nasawi ay bahagi ng grupong Parojinog na naka-base sa Ozamis.
Matagal na anyang iniuugnay ang naturang grupo sa illegal drug trade.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng mga otoridad para matugis ang ilan pang mga kasama ng mga nasawi na nakatakas sa operasyon.