Sinopla ng Malakanyang ang panawagan ng mga grupo na bumitiw na sa puwesto si Philippine National Police o PNP Chief Police General Oscar Albayalde.
Ito’y dahil sa kamakailan lamang na ikinasang operasyon ng pulisya sa Negros Oriental na ikinasawi ng 14 magsasakang pinaghihinalaang kasapi ng mga rebeldeng komunista.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, walang basehan ang kanilang panawagan para bumitiw sa pwesto si Albayalde.
Binigyang diin din ni Panelo na lehitimo ang naturang operasyon ng pulisya.
Sinabi rin ni Panelo na ginagamit lamang ng grupong karapatan at iba pang grupo ang naturang insidente upang kasuklaman at katakutan ng mga mamamayan ang mga otoridad.
Sa ngayon anya ay hinihikayat niya ang publiko na huwag magpadala sa propaganda ng mga makakaliwang grupo lalo na sa mga grupong may kaugnayan sa mga rebeldeng komunista.