Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army matapos makasagupa ang mga sundalo sa Digos City, Davao Del Sur.
Kinilala ang mga nasawi na sina Lesly Pulido, kalihim ng Guerilla Front 51, at Roberto Castellote, sinasabing kumander ng naturang yunit.
Ayon kay Capt. Jerry Lamosao, tagapagsalita ng 10th infantry division, tumugon ang mga tropa mula sa 39th infantry battalion ng Philippine Army sa sumbong na may mga rebelde na nangingikil sa mga magsasaka sa Sitio Lanan, Barangay Goma.
Doon na napatay ang dalawang lider ng NPA sa bakbakan na tumagal ng 45 minuto..
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang M4 rifle.