Binalaan ng PNP-Anti Cybercrime Group ang publiko, lalo na ang mga magulang laban sa bagong modus na kumakalat online.
Kaugnay ito ng isang tao o grupo na nang-eengganyo sa mga kabataang babae na magpadala ng hubad na larawan kapalit ng bagong cellphone o anumang gadgets.
Una itong lumabas sa Facebook post ng nanay na si Alice kung saan ikinuwento niyang may ka-video chat ang kanyang 12-anyos na anak na babae na nangako umano ng bibigyan ito ng bagong mamahaling cellphone.
Naalarma aniya siya nang sabihin ng ka-chat ng kanyang anak na kinakailangan nitong sukatin ang balikat ng bata at nais ding makita ang baywang nito.
Ayon kay Alice, napansin niyang hindi ordinaryo ang nasabing modus kaya nagpasiya siyang i-post ito sa social media at doon niya nalaman na marami nang mga bata ang nabiktima nito.
Sinabi ni PNP-ACG Women And children Cybercrime Chief Police Colonel Alejandrea Silvio, marami na rin silang natatanggap na report mula sa mga magulang na nakaraanas ng katulad na insidente.
Ginagamit aniyang pang-akit ng mga salarin ang pangakong gadgets para mautusan ang mga bata na gawin ang inuutos nila na posibleng ginagamit namang bilang pornographic material.
Sa ngayon, naglunsad na ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay ng usapin.
—-